MSU–Marawi Tinanggap ang Kapasiyahan ng KWF; Pormal na Pinagtibay ang Ortograpiyang Meranaw

MSU Main Campus - Marawi City > 17-Partnership for the Goals (SDG Goals) > MSU–Marawi Tinanggap ang Kapasiyahan ng KWF; Pormal na Pinagtibay ang Ortograpiyang Meranaw

Noong Pebrero 20, 2026, pormal na tinanggap ng Mindanao State University – Marawi ang Kapasiyahan para sa Pagpapatibay ng Ortograpiyang Meranaw (Sinanadan Ko Kazorat sa Basá Meranaw) mula sa Komisyon sa Wikang Filipino, hudyat ng bagong yugto sa institusyonalisasyon at estandardisasyon ng wikang Meranaw sa antas akademiko.

Ginanap ang makasaysayang pagtitipon sa OVCAA Conference Room, kung saan pinangunahan ni KWF Commissioner Atty. Marites A. Barrios-Taran ang paghahandog ng Katibayan. Itinatakda ng Kapasiyahan ang opisyal na pamantayan sa pagsulat ng wikang Meranaw, kabilang ang estandardisadong paggamit ng grapemang “e” nang walang diakritikong marka o umlaut bilang representasyon ng tunog schwa sa sistemang ortograpiko ng Meranaw. Ayon sa Komisyoner, mahalaga ang hakbang na ito sa higit na pag-iisa ng ortograpiya at sa pagpapadali ng pagtuturo, pagkatuto, at publikasyon sa wikang Meranaw.

Kinatawan ni Vice President for Academic Affairs Dr. Minerva-Saminah M. Naga si MSU President Atty. Paisalin P. D. Tago, CPA. Sa mensahe ng Pamunuan, binigyang-diin ang malinaw na suporta ng Pamantasan sa intelektuwalisasyon ng mga katutubong wika bilang bahagi ng tungkuling akademiko nito sa rehiyon.

Ipinakilala ni Dr. Johara Alangca-Azis ang komite ng Ortograpiyang Meranaw. Inilahad din niya ang naging proseso ng pagbuo ng ortograpiya—mula sa serye ng konsultasyon at deliberasyon hanggang sa pinal na rebisyong kinilala ng KWF.

Samantala, tinalakay ni Dr. Almayrah A. Tiburon, ang Direktor ng Sentro sa Wika at Kultura ang konkretong balangkas ng implementasyon nito. Kabilang dito ang pagsasagawa ng faculty trainings at writeshops, integrasyon ng pamantayang ortograpiya sa kurikulum, at paglalatag ng mga programang magpapalakas sa paggamit nito sa pananaliksik at publikasyon.

Hindi lamang ito simbolikong pagtanggap ng Katibayan, kundi isang malinaw na deklarasyon ng sistematikong pagpapatupad. Sa pakikipagtulungan sa Komisyon sa Wikang Filipino, pinagtitibay ng MSU–Marawi ang papel nito bilang nangungunang institusyong akademiko sa pagsusulong at pagpapaunlad ng wikang Meranaw.